Eksibit sa North Triangle, inilunsad sa anibersaryo ng demolisyon

North Triangle Exhibit

Documenting the Marginalized 4: community exhibit in North Triangle, Quezon City

Isang taon matapos ang marahas na demolisyon sa North Triangle noong Set. 23, 2010, karaniwang tanawin na sa bukana ng komunidad ang mga kahoy na barikada. Ang barikada ang simbolo ng kanilang paglaban, ang tanging dahilan kung bakit patuloy silang nakakapanatili sa29-ektaryang lupain kung saan sila pinapalayas ng gobyerno.

Pero nitong Setyembre 21, hindi mga banner o flag lamang ang kapansin-pansin na nakasabit sa mga barikada sa Agham Rd., Sitio San Roque. Kundi, malalaking tarpaulin na inimprentahan ng mga larawan. Eksibit iyon na pinamagatang Sa Diwa ng Barikada, handog ng PinoyMedia Center(PMC) at grupong pangkultura na Sining Kadamay.

Sa 24 na piling larawan, naipakita ang mga naganap sa komunidad sa nakaraang isang taon. Mga kaganapan ito na hindi halos nakober o naipakita ng mainstream na midya, maliban sa dramatikong komprontasyon sa EDSA Ave. noong Setyembre 23. Kuha ang mga larawan ng mga mamamahayag at intern ng Pinoy Weeklyna sina Macky Macaspac, Kenneth Guda, Ilang-Ilang Quijano, Rogelio Tubije, at Abigail Castillo; mga documentary photographer na sina Buck Pago at Bambam Luneta; at Amanda Echanis ng Sining Kadamay.

Ilang-Ilang Quijano, PMC Executive Director, being interviewed by the media regarding the exhibit

Marami ang mga nag-usisa sa eksibit. Ang mga manggagawa na papasok sa kani-kanilang mga trabaho. Ang mga drayber ng pedicab. Ang mga mangangalakal ng basura. Ang mga nanay bitbit ang batang maliliit. Ang mga drayber ng taksi, na humihinto pa para mag-usisa. Karamihan sa kanila, mga maralitang residente ng North Triangle.

Sa pamamagitan ng mga larawan, sinariwa nila ang demolisyon. Sinariwa nila ang kanilang galit sa mga pulis na kitang-kita sa aktong nagbubunot ng baril, o mga demolition team ng National Housing Authority sa akto naman ng pambabato.

Nakita nila ang kabundukan ng Montalban kung saan sila pilit itinataboy ng gobyerno, namukhaan ang babaing nasa larawan. Ang mga mulat sa totoong kalagayan sa relokasyon, napapailing, nasasabing “Bakit pa kasi siya nagpa-relocate?” Ang mga nag-aakala na maganda ang buhay roon, nagkakahinuha na posibleng hindi,nang dahil sa suhestiyon ng larawan (“Ay, akala ko okey doon”).

An ecumenical service was held during the exhibit launch

Nakita nila ang kurba ng isa sa kanilang mga kilos-protesta papuntang Mendiola, kuha mula sa itaas ng overpass. Ang repleksiyon ng ilaw sa mukha ng isang pamilyang nasunugan. Ang ngiti sa mukha ng manininda sa palengke, kabilang sa libu-libo sa North Triangle na piniling ipaglaban ang karapatan na makapaghanapbuhay. Ang banta sa simbolo ng magkasamang backhoe at shopping mall sa iisang larawan.

Ikaapat sa serye ng Documenting the Marginalized, layon ng eksibit na itaguyod ang dokumentasyon, pagbibigay-liwanag, at papalaganap sa mga isyu ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan. Layon ng PMC na hikayatin ang mga mamamahayag, artista, potograpo, filmmaker at ordinaryong mga mamamayan na aktibong lumahok sa pagdodokumento—at pakikibaka—ng mga mamamayang binabalewala at pinagsasamantalahan.

Mananatiling nakatirik ang eksibit sa Agham Rd., tapat ng Office of the Ombudsman, hanggang Setyembre 23. Samantalang ang mga barikada, mananatili roon hangga’t may banta ng demolisyon.

Popularisasyon ng reporma sa lupa sa pelikula

Premiere screening of Pagbawi sa Luisita (Reclaiming Luisita), a documentary about the plight and continuing struggle of the farmers of Hacienda Luisita

Noong Nobyembre 15, nakipagtulungan ang PinoyMedia Center (PMC) sa Mayday Multimedia para ilunsad ang Pagbawi sa Luisita. Dumalo ang halos 100 katao sa nasabing fundraising premiere na ginanap sa College of Mass Communications, Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

Sa kanyang pananalita, nagpasalamat si King Catoy, production head ng Mayday para sa nasabing pelikula, sa lahat ng mga nakibahagi sa proyektong popularisasyon ng isyu ng reporma sa lupa sa pamamagitan ng pelikula. “Gusto man naming libre ang ating panonood ngayong hapon, tulad ng karaniwang pagpapalabas ng mga likha ng Mayday at mga kapanalig na multimedia groups, kinailangan po naming tiyakin na maipapamahagi ang kopya ng Pagbawi sa Luisita sa mga organisasyon ng mga manggagawa at magsasaka sa iba’t ibang panig ng bansa,” aniya.

Hinikayat ni Catoy ang lahat na palaganapin ang pelikula, lalo sa antas komunidad, kung saan salat ang impormasyong makabuluhan para sa pagpapataas ng kanilang pampulitikang kamulatan. “Huwag kayong mag-alinlangan sa pagpapadami ng hawak ninyong kopya sapagkat ito ay maaaring maging armas – armas na katulad ng mga tula, paintinggraffiti at mga lathalian…para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at pambansang demokrasya,” aniya.

Samantala, ipinaliwanag ni Kenneth Guda, isa sa mga direktor ng PMC, na bilang instistusyong pangmidya na nagsisilbi sa interes ng mga mardyinalisadong sektor, hindi na lamang dapat magpakasapat sa produksiyon ng mga balita. Umano’y kailangang aralin ang subukan ang lahat ng malikhaing mga porma at pamamaraan ng paghahatid ng impormasyon.

Nagsalita rin sa premiere si Rodelson Mesa, tagapagsalita ng Alyansa ng Manggagawang-Bukid sa Asyenda Luisita. Nagpasalamat siya sa PMC at Mayday para sa pagtuon ng atensiyon sa isang nagbabaga pa ring usaping panlipunan.

Kinabukasan, pinalabas din ang pelikula sa pagdiriwang ng ika-anim na anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita sa Brgy. Mapalacsiao sa loob ng asyenda sa Tarlac City. Daan-daan ang nakapanood nito, karamiha’y mga taga-asyenda, mga magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon, at kanilang mga tagasuporta.

Ngayong nasa internet na ang Pagbawi sa Luisita, inaanyayahan ng PMC at Mayday ang lahat na panoorin at higit pang palaganapin ito. Batid namin na marami sa mga masang manonood na higit na kailangan ang impormasyong hatid ng pelikulang ito ang walang computer at internet. Ngunit sa tulong ng mga sumuporta, maaari na kaming magpalaganap pa ng mga kopya sa DVD format para makarating ang pelikula sa mas maraming mga tahanan at komunidad.

Pagsusulat bilang pagmumulat

Writing for advocacy and citizen journalism training for peasant youth and workers in Hacienda Luisita, Tarlac City

Sila’y anak ng mga manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita—lubog sa produksiyon at nakikilahok sa laban para sa mabawi ang lupa mula sa pamilya Cojuangco. Sila’y manggagawa sa isang planta sa loob ng Luisita Industrial Park—mga unyonistang naggigiit din ng mga karapatan sa katunggaling manedsment na Hapon.

Higit kayninuman, ang mga katulad nila ang maraming saloobin at isyu. At pagsusulat ang isa pa rin sa pinakamabilis at pinakaepektibong paraan para iparating ito sa mas malawak na publiko.

Noong Nobyembre 3 – 4, isang pagsasanay sa pagsusulat at pagtatayo ng publikasyon ang isinagawa ng PinoyMedia Center (PMC), publisher ng Pinoy Weekly at isang non-government organization na nagtataguyod ng grassroots-based media, sa San Miguel, Tarlac. Walang pormal na pagsasanay sa peryodismo ang mga kalahok, at ang karamiha’y hindi nakatuntong sa kolehiyo.

Kenneth Guda, head of Grassroots Media Development Program, gives a lecture on newswriting

Hindi ito naging hadlang sa kanilang kagustuhang maglabas ng isangnewsletter sa loob ng asyenda, kung saan patuloy ang girian para sa puso at isipan ng libu-libong magsasaka. Makapangyarihan ang kanilang kalaban: angkan ng pangulo mismo ng bansa, na may rekurso para mag-ere ng mga patalastas sa radyo, ilabas ang kanilang pahayag sa malalaking dyaryo, at makapagpadala ng tauhan sa mga kabahayan para mangumbinsi’t mangako.

Ngunit para sa mga umuusbong na manunulat ng asyenda, mas makapangyarihan ang pagiging makatarungan ng kanilang laban, at ito ang nais nilang ipaunawa sa kanilang mga sulatin.

Tinalakay nina Ilang-Ilang Quijano, Kenneth Guda, at Renato Macaspac, mga manunulat at editor ng Pinoy Weekly, ang mga batayang prinsipyo, porma, at pamamaraan ng pagsusulat, na may diin sa pagsusulat para sa adbokasiya (writing for advocacy). Tinalakay din nila ang newswriting o pagsusulat ng balita, at ang proseso ng pagtatayo ng isang publikasyong pangkomunidad.

Peasant youth learn how to write effective public statements

Pagkatapos, nagdaos ng mga workshop para subukan at pandayin ang kakayahan sa pagsusulat ng mga estudyante. Naging paksa ng kanilang mga sulatin ang pinakamaiinit na isyu na kanilang hinaharap, gaya ng planong pagdaraos ng Balikatan Exercises sa loob ng asyenda, pakikipag-usap ng manedsment ng Hacienda Luisita Inc. sa kompanyang Intsik na Wahaha Group, at ang napipintong ika-anim na anibersaryo ng Hacienda Luisita Massacre.

Sa isang simpleng seremonya ng pagtatapos, sinabi ni Quijano, executive director ng PMC, “Binabati ko ang mga manunulat dito sa loob ng Hacienda Luisita. Gamitin ninyo ang inyong panulat at patuloy na pag-aralan ang inyong sitwasyon at ang lipunan. Sa ganitong paraan kayo magiging epektibong tagapagmulat ng mas maraming bilang ng mga mamamayan, at makakamit ang hinahangad ninyong mga pagbabago.”

Potograpiya at adbokasiya

Inisponsor ng PinoyMedia Center noong Agosto 14 ang isang talakayan kasama ang beteranong documentary photographer na si Rick Rocamora.

Documenting the Marginalized 1: forum with veteran photojournalist Rick Rocamora on documenting migrant communities

“There are two types of documentary photographers: one would say I’d like to document your community because I want to have grants and awards. The other would say I want to document your community because I want to give it a visual voice.”

Ito ang inihayag ng beteranong documentary photographer na si Rick Rocamora sa isang talakayang inisponsor ng PinoyMedia Center, ang una sa seryeng pinamagatang Documenting the Marginalized.

Noong Agosto 24 sa University of the Philippines- College of Mass Communication, ibinahagi ni Rocamora ang kanyang mga karanasan sa pagdodokumento ng mardyinalisadong mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Ngayo’y naka-base sa Estados Unidos, naeksibit na ang mga litrato ni Rocamora sa prestihiyosong mga gallery at museo, kabilang ang The Smithsonian. Paksa ng marami sa kanyang mga litrato ang kalagayan ng mga migranteng Pilipino sa Estados Unidos, partikular ang mga beterano ng giyera. Naging paksa rin niya sa mga litrato ang panggigipit at pagsupil ng gobyernong US sa mga mamamayan ng Nicaragua, El Salvador, at Cuba.

Ayon kay Rocamora, mahalaga para sa isang documentary photographer na magkaroon ng isang “point of view,” o pananaw sa lipunan na siyang magiging tuntungan ng sining—at adbokasiya.

Kapansin-pansin na may malinaw na tindig pampulitika ang mga kanyang mga litrato, partikular sa Latin Amerika, na tungkol sa mga lumalaban o biktima ng panghihimasok ng gobyernong US. “You should read three to four newspapers a day,” payo niya, para makatulong umano sa pagpapaunlad ng isang “point of view” bilang potograpo.

Inamin niyang naging potograpo siya dahil sa kanyang aktibismo noong dekada ’80, at na nagpapatuloy ang aktibismong ito sa kanyang pagdodokumento.

Walang pormal na pagsasanay sa potograpiya, ikinuwento ni Rocamora na nagbitiw siya noon sa kanyang trabaho sa isang pharmaceutical company para mabigyang-atensiyon ang paglilitrato. “I wanted to use my skills for issues that I cared about,” aniya. Kabilang sa kanyang mga nilitratuhan ang ligalig noong batas militar, hanggang sa napilitan siyang lumikas patungong Estados Unidos.

Ayon kay Rocamora, na nakalibot na sa pinakamahihirap na komunidad, mula sa Quiapo sa Maynila hanggang sa Guinea sa South Africa, “You cannot set up suffering or pain. You have to go there and feel it.” Sinabi rin niyang hangga’t maaari, binabalik-balikan niya ang dinodokumentong niyang mga komunidad dahil naniniwala siyang dapat maging malalim at tuluy-tuloy ang ugnayan ng isang documentary photographer sa kanyang mga subject.